MALACAÑAN PALACE
Manila
MENSAHE
Kaisa ng sambayanang Pilipino, binabati ko ang mga
opisyal at kawani ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pagdiriwang ng inyong Ika-114
Anibersaryo ng Pagkakatatag. Binabati ko
rin po ang ating mga magsasaka, mangingisda, at iba pa nating kababayan sa
kanayunan na siyang ugat ng tagumpay sa mga programang agrikultural ng ating pamahalaan.
Patunay ang pagyabong at pag-unlad ng sector ng
agrikultura sa malawak na oportunidad na maaaring matamasa sa labas ng
lungsod. Ito rin po ang patuloy na
nagpapalusog at nagpapasigla sa takbo ng pambansang ekonomiya. Saludo po ako sa idinidilig na pawis,
sakripisyo, at dedikasyon sa paglilingkod ng Kagawaran ng Pagsasaka upang
maihatid ang kaukulang serbisyo sa kanayunan.
Tuloy-tuloy ang pagsasakatuparan natin ng mga de-kalidad na proyekto
tulad ng patubig, kalsada, pamilihang-bayan, daungan, community seed bank, at
post-harvest facilities upang mapataas pa ang produksyon at kita ng ating mga
magsasaka at mangingisda. Ikinalulugod
nga po nating kung makikiayon ang panahon, maari na po nating marating ang
minimithing kasapatan sa pambansang kamalig ng bigas.
Isa-isa na po nating nagagapas ang mabuting bunga ng
pagbagtas sa tuwid na landas. Kasabay ng
inyong pakikipagsapalaran ay ang pagsiguro nating may pagkain sa hapag ng bawat
pamilyang Pilipino; katumbas ng inyong pagsisikap ay ang paghakbang natin
palapit sa katuparan ng ating pangarap.
Ang hiling ko lang po, huwag sana tayong magpapalunod sa negatibismo o
magpapalinlang sa pain ng tukso at katiwalian.
Patuloy po tayong magpunla ng integridad, katarungan, at katapatan tungo
sa lalo pang pagyabong ng makabuluhang pagbabago sa ating bayan. Sama-sama po nating anihin ang kaunlaran at
kasaganahan ng Pililpinas.
Muli, isang Masaya at makahulugang aniversaryo po sa inyong
lahat.
BENIGNO S. AQUINO III (Sgd.)
Maynila
23 Hunyo 2012